Kayamanan sa Lupa
November 21, 2007
Kagabi, habang nag-iisip ako ng kung anu-ano lang, naalala ko 'yong painting na isa sa pinakamatagal kong ginawa. Ang subject ko kase ay 'yong tao na nakagapos sa puno. at ang kakaiba dito, hindi lubid ang gumagapos sa kanya kundi "pera". Nasa 3rd year college ako nung gawin ko ito. medyo kainitan ko pa nun sa pagpipinta kaya naman kakaibang subject ang naiisip ko (sayang ngayon kase hindi ko na kayang gawin ito..hindi pa nakikilala, lubog na!hehe). "Kayamanan sa Lupa" yan ang pamagat ng painting ko. gumamit ako ng water color. wala pa akong maayos na brush (pati toothbrush) nung panahon na iyon.
"Bakit nakagapos sa pera 'yong tao?" yan ang madalas itinanong sa akin ng mga nakakapansin nito. nangiti lang ako at iniba ang usapan. ayaw ko kaseng sagutin. ang gusto ko lang kase ay ipakita ang obserbasyon ko at bahala na ang audience na sumagot sa sarili niyang tanong.
Alam nyo ba na dahil sa 500 peso at 1,000 peso bill kaya napatagal ang paggawa ko dito? kalalabas lang ng P1000 nung panahong iyon at ilang beses ko pa lang siguro nakita. At nagkataong nung mag-painting ako, wala akong makitang buo na 1000 bill. kaya ang ginawa ko, naglagay na lamang ako ng space para sa kanya at natapos ko na halos yong painting pero hindi pa ako nakakakita uli ng P1000. pagkaraan ng anim na buwan, may nakita akong hawak na P1000 bill ang nanay ko…ayun hiniram ko muna para gawing modelo. "anak, san mo dadalhin yan? hiniram ko lang yan pang-enrol mo!." narinig ko pang sabi ni nanay. Pero nung makita niyang kinokopya ko lang yong stilo ng pera ay pinabayaan naman ni nanay na nasa akin yong pera.
At ngayon pagkaraan ng 10 taon, nasa akin parin ang painting na ito. nakatago sa aparador at balot na balot ng plastik. may ngatngat na nga ng daga yong ilalim eh.






